月曜日, 11月 03, 2008

Ang aking bakpak

"Tapos na ang maliligayang araw mo." Sabi ng nanay ko isang araw ng linggo, ang huling araw ng bakasyon noong elementary. Sa gabing iyon ay binuksan ko muli ang bagong bagong bag ko na singlaki ko dahil sa dami ng laman nito sa loob.

Tuwang tuwa akong nilabas lahat ng laman mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit na bulsa ng bakpak ko. Kapag pasukan, lahat ng bulsa ng bag ko ay may laman at nagsisiksikan kaya kawawa ako kung titignan na sakbit sakbit ang bakpak ko na sobrang taba at sobrang bigat papasok ng paaralan. Pero di bale ng mabigat, bago naman! Swerte ako at nagiisa pa akong anak noong ako ay nasa elementary kaya hindi pa pinaglumaan ang parati kong gamit taun-taon.

Nagumpisa ako sa pinakamalaking bulsa, nilabas ko paisa isa simula sa bukana.

1. Health Kit. Tsek! May toothbrush, toothpaste, sabon, suklay, underwear, at iba pa. Requirement ito tuwing pasukan at tsinetsek talaga ng aming adviser. Kapag pasukan lang. Lumipas ang isang buwan, bahala ka na kung dadalhin mo pa.

2. Pencil Case. Tsek! Ang pencil case kong may pinto sa harap at likod, at may dalawang floors sa loob. May 3 lapis na bagong tasa, may eraser na mabango, may ruler, may gunting, may pantasa. Minsan hindi ako nakuntento, nagkaron ako ng pencil case na may nagme-maze na bolitas. Nilalagyan ko din ng kisses dati para mabango kapag binuksan.

3. Kuwaderno. Tsek! Lahat may balot na bond paper bago ang plastic cover dahil ang notebook sa elementary ay nilalagyan ng design kapag pasukan. Isang design ngunit nag-iiba ng kulay depende sa subject. Bawal lagyan ng pangalan sa harap at ipapatanggal lang yun dahil kasama sa design ang pangalan mo. 11 notebooks. 2 makapal para sa assignment at drill; 1 kakaiba para sa music; at 8 manipis para sa normal kong subjects.

3. Libro. Tsek! May pangalan sa harap bago nabalutan ng plastic cover. May textbook at skillbook. At bawat subject mayroon maliban sa pe at art.

4. Papel. Tsek. Depende sa antas mo sa elementary ang papel mo siyempre. Nakagamit ako ng grade1, grade2, grade3, grade4, intermediate, 1/2 crosswise, 1/4 lengthwise, 1/4 pad sa buong buhay ko sa elementary. Pag pasukan lang ako may papel. Pag naubos yun, nanghihingi na lang ako.

5. Bond Paper at Formal Theme Paper (English at Tagalog). Tsek! 50-100 pieces ng bond paper ang kailangang meron ka para sa science experiments, projects, at iba pa.

6. Long at Short Brown envelopes. Plastic envelopes. Long at Short Folders with Fastener. Tsek! Ginagamit silang quiz envelope, art envelope, periodical test folder, at iba pa.

Sa mga maliit na bulsa naman ang sinunod ko na mayroong...

1. Crayons. Tsek! Hindi lang yan ang inambisyon ko. Nagkaron ako ng colored pencils, craypas, color pens. Pero ni minsan eh hindi lumampas ang crayons ko sa 16 colors. Nanghihiram na lang ako sa classmates ko na naka-64crayons na may pantasa sa ilalim, o minsan ung big size version ng crayola.

2. Payong. Tsek! Di pa uso fibrella nun at kung hello kitty, kerokerokeroppi, o pochaco ang design eh masaya na ko.

3. Water Jug. Maliit lang ang water jug ko nun na napagkasya ko kanan o kaliwang bulsa ng bakpak ko. Ayoko ng coleman dahil masyadong malaki at bibitbitin ko pa.

4. May bulsa din ako para sa aking basura. Tsek! Tapunan ng balat ng kendi, pinagtasahan ng lapis, maliliit na piraso ng papel, return slips, at/o nilukot kong quiz na may bagsak na score. Nasa lugar ito na hindi madaling makita ng nanay ko.

Tsek lahat! Pagkatapos kong ilabas ay parang timang ko ding binalik lahat at inilapag ang bag sa may lamesa. Kinabuksan, tumakbo akong kuba kuba bitbit ang bagong bago kong bakpak papunta sa classroom nang marinig ko ang warning bell na naghudyat ng simula ng klase para sa taong iyon.

0 comments: